Ang Pinuno Sais

elmergomopas
Ang Pinuno

Written by elmergomopas

 

Pagsilang ng Berdugo

Ang dati’y payak na Barangay ng Dalag ay ibang iba sa umagang iyon. Sa gitna ng “Covered Court” ay ang pinag dugtong dugtong na mesang kahoy kung saan isa isang sinasagot ng Alkalde ang mga katanungan mula sa mga miyembro ng nagsidatingang media kaugnay ng naganap na madugong labanan.

Isang “Press Release” na inorganisa ng munisipyo ang kasalukuyang ginaganap.
Nakalatag sa lamesa ang Apat na riple ng M16, Dalawang AK 47, Isa pang M16 na may 40mm M203 Grenade Launcher, Dalawang M14, Isang kalibre 45, samu’t saring bala at magazine ng baril, Dalawang “Improvised Explosive Device”, Isang “Motorola GP68” Handheld Radio, sari saring subersibong dokumento, Sampung backpacks, at iba pang mga personal na kagamitan na nakamkam ng mga sundalo mula sa mga napaslang at naiwan ng mga nagpulasang komunista. Sa labas ay ang hilera ng mga sasakyan ng Kapitolyo, Munisipyo, Municipal Police Station, Police Provincial Office, SOCO, 6 by 6 Trucks ng Security Force mula sa Army, at mga sasakyan mula sa Komisyon ng Karapatang Pantao.
Nauna nang nakaalis sa Barangay ang isang ambulansiya at truck ng kapitolyo na humakot sa mga bangkay ng labing isang miyembro ng NPA na napatay sa nagdaang engkwentro.

Dumagdag sa liwanag ng covered court ang mga kislap mula sa mga camera ng mga hindi magkamayaw na Media sa pagkuha ng litrato sa malamang, pinakatanyag na personalidad noong umagang iyon.

Si Edwin, ang pinuno.

“Puta Anto, sikat ka na”, pasimpleng siko at kantiyaw ni Cpt. Banatao, ang Batallion S3 ke Edwin. Sa kaliwa ng Mayor ay ang Punong Barangay, mga kinatawan ng Commission on Human Rights, sa kanan naman ay si Lieutenant Colonel Eugenio, ang Battalion Commander, kasunod ang Tinyente, at sa pinakadulo ng mesa ay ang Battalion S3.

“Gusto ko lang linawin na ang pagdating ng mga kaibigan natin mula sa Commission on Human Rights ay hindi nagangahulugan na may mga paglabag na nagawa ang ating mga kasunduluhan”, ang Mayor.

“Inanyayahan natin sila bilang daan sa malayang talakayan at kuro kuro, at nang sa gayon ay maisakatuparan o magampanan din nila ang kanilang mandato”.

“So meron pa ba tayong mga katanungan?”, ang pagtatapos ng Alkalde.
Isang kinatawan ng Bombo Radyo Quezon ang lumapit sa mikropono.

“Katanungan lamang po para kay Kapitan Robert. Gaano po katotoo na kayo po mismo ang kumukupkop sa mga rebelde? Kayo daw po mismo ang nagbibigay sa kanila ng pagkain at gamot, at tumimbre pa sa kanila na may mga sundalong nag o operate dito sa inyong barangay. Me mga bali balita po na kaanib kayo ng mga makakaliwang grupo Kapitan. Ano ang masasabi niyo dito?”, ang diretsong ratsada ng taga Bombo Radyo.

Sa kanyang kinauupuan, ay tahimik ang tinyente.
“Animal ka, sige nga sagutin mo”.
Muli ay isang ideya ang mistuang naglaro na naman sa isip ng batang tinyente, at sa mga labi niya’y gumuhit, hindi ang isang ngiti, kundi ang isang ngisi.

“Mukhang dumating na ang araw mo Kapitan”, tahimik at nakangising usal ni Edwin.

“Hehehe. Wala po ni maski katiting na katotohanan yan. Pawang mga haka haka lamang yan.”, ang tanggi ng Punong Barangay.

“Sa katunayan nga po, ay inanyayahan ko pa po si tinyente upang makapagkape noong malaman ko na na naririto nga sila sa Barangay”.

Sa nadinig na sagot ng Kapitan at sa nataong paghigop ng tinyente sa kanyang kape, ay nasamid ito at naubo. Muli’y tahimik na nasambit ng tinyente.
“Tang ina ka animal ka Kapitan, napakasinungaling mo. Mamaya ka”.

“Mukhang wala ng katanungan, meron pa ba?”, ang Mayor
At gumawi ang paningin ng kinatawan ng Bombo Radyo sa dako ng noo’y nagkakapeng si Edwin.

“Lieutenant Santos, gaano po ito katotoo?”
Bago sagutin ay tiim munang tinitigan ni Edwin ang noo’y nagsisimula nang kabahan na Punong Barangay. Kinuha nito ang iniabot ng S3 na mikropono, kapagdaka’y tumayo mula sa kinauupuan ang pinuno.

“Magandang umaga po sa ating lahat.”, panimula ni Edwin.
“Tama po si Kap.”
Dito’y mapapansing tila nabunutan ng tinik ang lider ng Barangay Dalag.

“Sa katunayan nga po ay malaki ang naiambag niya sa naging tagumpay ng operasyon.”, pagpapatuloy ni Edwin.

“Literal po na inginuso ni Kapitan ang magiging plano ng kalaban. Ang gagamiting taktika, at kung ilan po ang mga rebeldeng armado na lulusob sa amin. Ganun po siya ka “cooperative” sa misyon, at sa military”.

“Ayon pa nga po sa kanya ay tigas puso po niyang itinatakwil ang kaisipan at ideolohiya ng CPP NPA NDF, at kaya nga agad niyang itiniktik ang mga ito sa akin. Ang pakikipagtulungan po ni Kapitan, sampu ng buong pamayanan ng Barangay Dalag, at mga opisyales nito ang naging susi ng lahat.”

“Iyon lamang po.”

Sa puntong iyon y muling iginawi ni Edwin ang kanyang mga mata ke Kap Robert at muntikang mapahagalpak ng tawa nang masilayan ang tila ba butlig butlig nang pawis sa mukha ng Kapitan..

Pero hindi pa pala tapos ang pinuno, at muli itong bumanat.

“Mabuhay si Kapitan”, ang natatawa nitong pang asar at panghuling hirit kay Kapitan.


Gaya nga ng inaasahan, pagkatapos ng “Press Release” ng umagang iyon, ay hangos na nilapitan ni Kap Robert ang tinyente.

“Tinyente, bakit naman ganoon, babalatan nila ako ng buhay sa mga sinabi mong iyon. Tama na sanang sinabi mo na naki pag “cooperate” ako. Ang mga kagawad, at mga taga Barangay, papatayin sila lahat tinyente. Naisip mo ba iyon Lieutenant?”, ang maluha luhang litanya ni Kap Robert.

Inakbayan niya ito at bahagyang inilayo sa kumpol ng nalalabi pang tao sa “Covered Court.”

“Robert, Robert ang pangalan mo hindi ba?”

Nang matiyak na sila na lamang dalawa, ang kanina niyang akbay ay naging mahigpit na hatak ng tinyente sa batok ng Kapitan.

“Kung hindi pa nagpatawag ng “Press Release” si Mayor, hindi ko malalaman ang pangalan mo, animal ka.

“Halos buong araw kitang hinintay kahapon para makipag usap sana pero nasaan ka gago ka?”

“Me pa kape kape ka pang nalalaman hayop ka.”, nanggagalaiting sumbat ni Edwin.

“At sa tingin mo hindi ko alam kung ano ang koneksiyon mo sa kabila ha Robert? Alam ko na ikaw ang ulo ng “Kangaroo Court” dito.” Alam ko na ikaw ang tumimbre sa NPA para ipakatay kami Robert. At alam ko din na alam mo kung nasaan si Pastor Henry na dalawang buwan nang nawawala. Alam kong kinatay niyo siya”.

Dumaan ang saglit na katahimikan.

“Tinyente”, sa mga sinabi mo kanina sa media, baka hindi na ako abutan ng pagsikat ng araw.”

“Mabuti naman at alam mo.”, sarkastiko namang tugon ng pinuno.

“May alam ako na paraan kung gusto mo pang masilayan ang sikat ng araw bukas Robert.

“Sige tinyente, kung masisigurado mo ang kaligtasan ko, babaliktad ako, sa inyo na ako tinyente, sa iyo na ako, sabihin mo lamang kung ano ang magagawa ko.”

Ang tinyente’y muling napaisip.

“Napaka traydor mo ngang hayop ka, kung tapat ka sa sinasabi mong ideolohiya at meron kang paninindigan, hindi ka dapat mangamba sa mukha ni kamatayan.
“Isa ka lamang hangal na nagpapakatuta sa bulok at bugok na sistema ng komunismo

Huwad nga pala talaga ang inyong prinsipyo.”

Napagtanto ng pinuno, isang subok na traydor ang kanyang kausap, at malamang kung hindi niya ito uunahan, sa madali’t malaon, ay siya ang ilalaglag nito.

“Ano tinyente, anong kailangan kong gawin, basag ni Robert sa katahimikang muli’y bumalot sa kanilang dalawa.

At nagpasya na ang pinuno.

“Oo, higit na bata ako sa iyo pero ikaw ang paglalaruan ko hayop ka.”, sa isip isip ng tinyente.

“Sige Robert, proprotektahan kita, sisiguraduhin ko ang kaligtasan mo Kapitan, basta’t sabihin mo sa akin ngayon kung saan niyo inilibing si Pastor Henry.

elmergomopas
Latest posts by elmergomopas (see all)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Libog Stories